Kabilang sa mga Nagwawala November 23, 2011
Posted by Richard Bolisay in Noypi, RIP.trackback

Sapat na ba ang hindi paglimot?
Sapat na ba ang mga gunita
at paggunitang bihag ng poot
at galit na maski pangako ng langit
at walang hanggang paalam
ay hindi kayang pagsidlan?
Mga tarak sa puso na kahit anong yapos
ng minamahal ay hindi kayang gamutin
sapagkat hindi lamang buhay at pag-ibig
at pag-asa at lunggati ang kinitil
kundi maging mga posibilidad
mga magagandang posibilidad
mga lumilipad na posibilidad
tulad ng mga paruparong waksihan man ng kulay
ay magpapatuloy sa pagdapo
at sa paghanap ng madadapuan
tulad ng mga paruparong pagkaitan man ng
pakpak ay maaakit sa samyo ng rosas
sa sinag ng araw, sa haplos ng hangin
sa halik ng walang-kasiguruhan
tulad ng mga paruparong walang ningning?
Sa ganito na lamang ba mauuwi
ang lahat, sa gunita at paggunita
sa balita at pagbabalita, sa luha at pagluha
sa paglirip ng kahapon at
sa pagtanggap ng lahat
ng lahat lahat, ng lahat lahat?
*Ang imahen ay kuha mula rito


nice.. as i expected.. its exceptional once again sir
Love this poem!
Ang galing mo pala magsulat ng mga ganito. Kaka antig sa puso! Mabuhay ka Pinoy!