jump to navigation

Isang Panawagan Sa Ating Mga Filmmaker October 1, 2009

Posted by Richard Bolisay in Short Cuts.
trackback

delubyo 2

Imahen ng delubyo mula kay Wenzzo Pancho

Gusto ko lang po imungkahi sa paraang alam ko ang isang bagay. Dahil ito na rin ang industriyang kinabibilangan ko (o maaari rin nito akong itatwa ‘pag nagkataon), naisip kong napapanahon itong gawin.

Kung hindi mamasamain ng karamihan, kaakibat ng marami pang mas mahalagang bagay na dapat gawin matapos ang trahedya ni Ondoy, nananawagan ako sa ating mga filmmaker na gumawa ng pelikula. Iminumungkahi kong gawing paksa ang naganap na bagyo at ang idinulot nito sa mamamayang Filipino. Dahil ang kalakhang Maynila at karatig-bayan nito ang matinding nasalanta, inaasahan na ito ang magiging pangunahing lugar kung saan kayo tutungo. Subali’t hindi sana ito makapigil sa inyo upang tumungo sa iba pang pook, partikular na sa mga probinsiya na kung hindi man lubhang nasalanta ng bagyo ay maaaring pang salantahin ng paparating.

Noong 1990 ay tinamaan ng matinding lindol ang bansang Iran at halos 50,000 katao ang binawian ng buhay. Kung iisipin ninyo mas grabe ang bilang kumpara sa mga tinamaan ng bagyong Ondoy. Nguni’t hindi iyon ang isyu. Hindi ang bilang ng mga namatay o mga infrastrakturang nasira. Naging malaking pasakit hindi lamang ang pagsasaayos ng bansa kundi maging ang nasirang paniniwala ng mga tao, ang pagkawasak ng kanilang emosyonal na kapit sa isang magandang mundo. Tangan lamang ang pagnanais na makapagkuwento, binalikan ni Abbas Kiarostami ang Koker (isang nayon na lubhang nawasak ng lindol) upang kapanayamin ang mga tao at malaman ang kanilang saloobin. Doon nabuo ang “Where Is My Friend’s Home,” “And Life Goes On…,” at “Through The Olive Trees.” Ito ay mga simpleng naratibo na may malalim na pagsusuri sa sitwasyon ng Iran na pinagbubuklod ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, at ang malaking kaugnayan nito sa kanilang natatanging kultura.

Kinakailangan kayong mga filmmaker sa mga panahong ito, hindi upang isadula ang sinapit ng ating kababayan sa paraang sentimental, na bagamat makakatotohanan ay sapat na ang telebisyon upang iyon ay maipakita, kundi upang ipakita ang kahulugan ng pagiging Filipino sa mga sandaling ito. Inaasahan ding makapaglalaan kayo ng mas malalim na insight sa sitwasyon at hindi ang sapal-sa-mukhang pambubuska o pangangaral nang wala sa lugar. Pukulin ninyo ang kinauukulan – – sa paraang mahahalata man nila o hindi. Tingnan ninyo rin ang malawak na epekto ng sitwasyon at ang pinanggalingan nito at huwag hayaang mapigilan ng kakulangan sa gamit o tao. Higit pa, gawin ninyong priyoridad ang maliliit na kuwento, ang mga boses na hindi naririnig, at ang mga taong may makahulugang pananaw sa ating lipunan. Nawa’y makagawa kayo ng mga pelikulang hindi lamang sasalamin sa diwa ng ating lipi kundi magbabasag ng mga salaming iyon na madalas ay pumipigil sa ating gumawa ng mga bagay na nararapat.

Advertisements

Comments»

1. AD! - October 3, 2009

Richard,

Sana maging tema ng mga filmmaker naten ang parehong tema na nag-udyok kay Kiarostami upang gawin ang Kroker trilogy: “Preciousness of Life.” Ito ay central sa iba pang pelikula ni Kiarostami tulad ng A Taste of Cherry.

Isa itong hamon sa ating mga filmmakers. Sana ito ay magsilbing inspirasyon sa paggawa ng pelikula.

2. Richard Bolisay - October 3, 2009

Go, go, go!


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: