jump to navigation

Ang Abot-Kamay na Pagitan ng Maguindanao at Mendiola December 21, 2009

Posted by Richard Bolisay in Noypi, RIP.
trackback

Ang paghahambing marahil ng nakalipas na Maguindanao Massacre sa trahedya ng bagyong Ondoy at Pepeng—dalawa sa pinakamalupit na pangyayari ng taon—ay isang kasumpa-sumpang pahayag; subalit kung liliripin, taglay nila ang pagkakatulad sa ganang sa tao nagmula ang dahilan upang sila ay maisakatuparan.

Ang bagyong rumagasa sa Kalakhang Maynila at Luzon ay matagal na nating napaglaanan ng panahon upang mangyari; unti-unti nga lamang kung kaya’t madaling ikaila sa ating mga sarili. Sa kabilang dako, ang masaker sa Maguindanao ay kagyat—isang halimaw na produkto ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo, isang kahindik-hindik na bangungot na matagal nang hinahabi upang pumasok sa ating kamalayan at nang sa gayo’y hindi natin malimutan. Sa iba, higit pa ito sa trahedya na maaari nating gawin sa kapaligiran—likha ito ng demonyo. Ngunit kung nalikha na ito ng demonyo, ano pa ang maaari nating gawin upang mapuksa ito? May magagawa pa ba tayo—magagawa bukod sa paghingi ng katarungan, pag-alay ng pagmamahal, pagtangis, pagkagalit sa rehimeng Arroyo, pagpapatuloy ng sining at, huwag naman sana, pagkalimot—pagkatapos ng lahat? May magagawa nga ba tayo o iniisip nating may maaari tayong magawa upang mapaniwala ang ating sarili na hindi na ito mangyayari muli—na hinding-hindi na, na hinding-hindi na kailanman ito mauulit?

Ang pinakamalinaw na kaibahan ng dalawang pangyayaring ito para sa akin ay ito: aakuin ko ang sisi sa bagyong Ondoy at Pepeng, ngunit hinding-hindi ang Maguindanao Massacre. Hindi ko ito maaaring maging kagagawan, at maski marahil ikaw ay hindi sapagkat kilala natin kung sino ang maygawa, kung sino ang maysala.

Ang idinulot ng kalamidad ay lungkot at pighati; ang idinulot ng walang habas na pagpatay ay galit, muhi, at poot. Ang sining na mabubuo mula sa galit, muhi, at poot ay inaasahang higit na magiging malakas—aalingawngaw sa bawat sulok ng hustisya at ipaaabot upang mapukaw ang mga nagtataingang-kawali—kumpara sa sining na mabubuo mula sa lungkot at pighati. Totoo, hindi kailanman magkakaroon ng herarkiya ng trahedya batay lamang sa bilang ng namatay o emosyong naging resulta nito, subalit higit na magiging mahalaga ang ating pagtugon upang hindi na ito maulit.

Pinili kong magsulat tungkol sa mga pelikula dahil pagpepelikula ang kurso ko sa kolehiyo. Naisip kong ito ang maaari kong gawin upang mapakinabangan ang mga taong ginugol ko sa pag-aaral. Ang pagsusulat ang bokasyon na inaakala ng iba na madaling gawin; tangan mo lamang ang iyong sarili at kaunting kaalaman tungkol sa lengguwahe ng pelikula, at siyempre, ang kakayahan at kagustuhang magsulat, ay sisiw na ito. Hindi ko nais pasubalian ang naturang pananaw kahit ikinagagalit ko ito. Hindi iyon ang dahilan kung bakit ako nagsusulat. Ikakunot man ng iyong noo o ikatindig ng iyong balahibo, pinaninindigan kong ang kritika ay sining. At ito ang sining ko.

Ngunit higit na priyoridad ng kritika, sa mga panahong tulad nito, ang pag-aanyaya. Maaaring isantabi ng kritiko ang kanyang pagsusuri ng pelikula upang manawagan sa mga filmmaker na gumawa ng pelikula, na gumawa nang naaayon sa kanilang paniniwala, at sa likod ng kanyang isip siya ay nag-aasam na sana’y maganda ang kalabasan ng mga ito: matalino, responsable, mapanghikayat, at mapanindigan. Tulad ng ibang sining, ang pelikula ay nagtatala ng panahon at nagsisilbing sanggunian. Madalas man itong hindi pagkatiwalaan ay hindi maitatatwa ang mga bagay na nabuo nito sa kadahilanang nalikha ito—naisakatuparan, nabuo, at naitawid mula sa kabilang pampang. Maaari mong itanong, pagagawa ba ng pelikula ang solusyon? Paggawa ba ng pelikula ang makatutugon sa paghanap ng hustisya? Mababawasan ba ng paggawa ng pelikula ang pait na dulot ng naturang kagimbal-gimbal na pagkitil ng mga peryodista at sibilyan?

Hindi. Hindi, kailanman. Hindi ang sagot sa lahat ng tanong.

Sa pamamagitan ng paggawa ng pelikula ay kinikilala nito ang kanyang kahinaan. Produkto man ito ng imahinasyon ay nakatali pa rin ito sa tanikala ng realidad—ng realidad na tumutukoy sa mundong kinakamulatan natin tuwing gigising sa umaga, ng realidad na nagtutulak sa atin upang kumilos at may gawin, ng realidad na nag-uudyok sa akin upang sabihin ang mga bagay na ito—ang realidad na hindi maaaring saklawan ng pelikula. Sapagkat alipin lamang ang pelikula ng realidad na ito, katulad na tayo’y alipin din ng ating panahon.

Oras na kilalanin ang kahinaang ito, sabi nga ng kaibigan ko, ay tanging oras na ang sining ay magkakaroon ng kahulugan. Totoong madalas tayong pangunahan ng emosyon. At sa pamamagitan ng emosyong ito, nawa’y maitawid natin ang mga nais iparating, gaano man kalabis o kakulang ang sining na maaaring gawin. Ang pangyayaring tulad ng Maguindanao Massacre ay hindi maaaring malimutan. Maikukuwento natin ito sa ating mga anak, sa mga anak ng ating mga anak; maililimbag sa mga dyaryo at libro; mababanggit sa mga diskusyon; maaalala sa mga tula, sa mga nobela, sa mga kuwento, sa mga awit, sa mga pelikula; maipipinta, maisasayaw, at mailililok; mabubuhay at mananariwa lagi sa ating sapantaha. Ngunit—ano nga ba ang ating maaalala? Ano nga ba tungkol sa masaker ang ating maibabahagi? Ano nga ba tungkol sa pangyayaring ito ang ating maitutula, maisusulat, maiaawit, maipipinta, at maisasapelikula? Ano nga ba ang ating pipiliing maalala at mabigyang-pansin habang iniisip na anumang ating gawin ay hindi makasasapat? At higit sa lahat, hanggang saan tayo handang umalala? Hanggang kailan natin ito handang panatilihin sa ating mga sarili?

Hiling ko lang, hindi matulad ang Maguindanao sa Mendiola.

*Unang nilimbag sa ika-12 issue ng High Chair, Hulyo-Disyembre 2009

Advertisements

Comments»

No comments yet — be the first.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: