jump to navigation

Isang Panayam kay Ray Gibraltar January 4, 2010

Posted by Richard Bolisay in Asian Films, Cinema One, Indie Sine, Interview, Noypi.
trackback

Kagagaling lang ni Ray Gibraltar sa isang shoot ng AVP para sa kaarawan ng isang dating senadora bago niya paunlakan ang panayam na ito.  Small-time lang daw, habang naghahanap siya ng trabaho sa paglagi niya rito sa Maynila. Tubong Iloilo si Ray—nagtapos ng kursong Philosophy sa University of Saint La Salle sa Bacolod at naging seminarista sa loob ng pitong taon—at doon nagsimulang magkainteres sa paggawa ng pelikula, hanggang sa mapadpad ang ilan sa mga ito sa Lungsod.

Unang nakilala si Ray sa pelikulang When Timawa Meets Delgado noong 2007, at kamakailan lang ay nasungkit niya ang pinakamataas na parangal sa Cinema One Originals para sa pelikulang Wanted: Border. Natapos din niya ang Syokoy, isang documentary tungkol sa Guimaras oil spill, sa tulong ng manunulat na si J.I.E. Teodoro at kapwa-filmmaker na si Oscar Nava; at ang Joy To The World, ang Prosesyon, na ipinalabas noong 2008 sa Cinemanila. Layon ng panayam na higit pang makilala ang filmmaker, partikular na ang pagtalakay sa pinakahuli niyang pelikulang Wanted: Border. Ang usapang isang oras na panayam ay umabot ng tatlo. Heto’t tunghayan.

Richard Bolisay: Una sa lahat, congratulations! Kumusta ang pagkapanalo? Bukod sa masaya, siyempre.

Ray Gibraltar: Salamat. Matagal bago nagsink-in, sa dami ng iniisip at kailangang gawin. Mas na-excite pa nga ako nung awarding ni Pacman e. Kaya nung awarding medyo mababa na ang energy.

RB: Ah, kasabay nung awarding ni Pacquiao yung awards night ng Cinema One?

RG: Oo, boksing ni Pacquiao nung umaga, tas nung gabi awarding naman ng Cinema One.

RB: Inagawan ka ng moment ni Pacquiao.

RG: Hindi naman. Pacquaio yan e! Moment lagi. *tawa*

RB: Lagi mo na tuloy ‘tong maaalala, kasi kasabay ng pagkapanalo ni Manny.

RG: Actually, dun ako sa Makati nanood. Event ng Nike. Nakakatawa nga e, sinama lang ako ng kaibigan ko. So event nga ng Nike, e di lahat ng tao naka-Nike T-shirt, outfit. . . Papasok na kami ng venue nung na-realize ko na ang laki pala ng logo ng Adidas sa damit ko!

RB: Mabuti walang umaway. Haha.

RG: Wala namang umaway. Deadma lang.

RB: Siyanga pala, first time mo ba ‘tong manalo sa isang festival sa Maynila?

RG: Ilang beses na ‘ko nanalo sa Gawad CCP para sa Alternatibong Pelikula,  at sa Moonrise.

RB: Pero para sa full-length?

RG: Para sa full-length, eto pa lang. Sa totoo lang, ‘di naman ako naniniwala sa competition.

RB: Bakit?

RG: Subjective din kasi. Kung ma-tripan ng judges, e di okay. Kung hindi. . . e di ayos din. Pero siyempre mas okay manalo!

RB: Onga, kung may premyo naman bakit tatanggihan. Haha.

RG: Korak! Premyo na lang. Haha.

RB: Pero bakit ka sasali kung hindi ka naniniwala?

RG: Experience. At saka yung effort sa side ng filmmakers e pagkapanalo na yun. Lalo na at ginagawa nila sa labas ng sistema.

RB: Sabagay, akala nila madaling gumawa ng pelikula ngayon porket indie daw. Napanood mo ba yung ibang mga pelikulang nakasama mo?

RG: Yung iba. Medyo pagod kasi ako nung screenings. Lutang pa talaga. Pag naka-tiyempo, papanoorin ko ulit yung iba. Pero ako, personally, ayaw ko sanang pumupunta sa screenings ng mga pelikula ko. Lalo na sa premiere. Ewan ko. Hindi ko lang trip.

RB: Ayaw mo makita ang reaksyon ng mga tao?

RG: Hindi naman sa ayaw. At wala naman akong pakialam sa ire-react nila. *tawa* Kahit mag-walkout pa sila. O mag-riot.

RB: Parang pelikula ni FPJ.

RG: ‘Wag lang magpatayan. Anti-violence kasi ako. Eto na nga ang pinaka-mensahe ko sa Wanted: Border. Tama na ang kabaliwan. Tama na ang violence. Kumain na lang tayo!

RB: Anti-violence pero cannibalism ang pelikula. Haha. Kumain tayo ng violence!

RG: Yung cannibalism, metaphor lang yun sa mga totoong nangyayari. Actually baka mayroon nga talagang gumagawa nun, sa sobrang baliw na ng lipunan natin.

RB: Ang mga tao hindi masyadong sineseryoso ang cannibalism. Parang konsepto lang siya ng mga sinaunang tao at hayop. Masyadong alien yung ideya. May cases ng cannibalism sa iba’t ibang bansa, hanggang sa ngayon. Sa Filipinas, ‘di ko lang sigurado. Malay natin!

RG: Kumain na lang tayo ng kansi!

RB: Ano’ng kansi?

RG: Bulalo!

RB: Ah, haha, mahilig ako sa bulalo. Pero bulalong baboy a, hindi tao. Teka, dito ka na ba sa Maynila kasama ng pamilya mo? Dito na kayo nakatira?

RG: Hindi, sa Iloilo pa sila. Pero misis ko ang taga-Maynila. Umuwi lang kami ng Iloilo noong 2004.

RB: Kakaiba a, siya yung nandun, ikaw yung nandito. E di malungkot?

RG: Malungkot talaga. Ngayon lang kami ulit nagkahiwalay. Kaya nung nag-post prod dito, hirap ako. Umiiyak lagi ang anak ko. Nasanay kasi ako na araw-araw kasama yung misis ko at anak ko.

RB: At para ito sa adhikain ng pelikula? *tawa*

RG: Yun nga e! Pakiramdam ko nag-iisa ako sa masikip at mataong metro! Ang ironic.

RB: May mga kaibigan ka naman!

RG: Marami akong kaibigan. Kaya nga nakakagawa pa rin ng pelikula. Sila lang ang puhunan ko rito, mga kaibigan.

RB: May permanente ka bang trabaho ngayon? O naghahanap ka?

RG: Naghahanap. Simula sa Grade One. May trabaho ba diyan?

RB: Wala sa pagkakaalam ko. Hindi ba big-time ka na ngayon? Dapat nilalapitan ka na ng ABS-CBN. Haha.

RG: Big-time na ano?

RB: Big-time na filmmaker! *tawa*

RG: Palagay mo kaya kukunin ako ng ABS sa mga ginawa ko?

RB: Kukunin ka nilang mag-direk ng May Bukas Pa.

RG: Big tummy lang ako. Haha.

RB: O kaya, Big-time artist! Yuck.

RG: Tang ina, hindi ako artist. Hindi ko itinuturing na artist ang sarili ko. Hindi nga ako naniniwala sa art. Marami nang artists, at mga nag-a-artist-artisan, ayoko nang dumagdag. Basta alam ko yung ginagawa ko at masaya ako. Ayos na yun. Kung sa tingin nila e art yun, e di art. Kung hindi, e di hindi.

RB: Problema kailangan mo i-define ang art. At iba-iba tayo.

RG: Kaya nga hindi ako naniniwala sa art. Ang daming definitions ng mga bagay-bagay. Magulo. Tang ina, kuwentuhan na lang tayo tungkol sa pagkain kaysa art. Next question! *tawa*

RB: Yan ang nagpapagulo sa buhay. Haha. Ano’ng tingin mo sa mga taga-Maynila kumpara sa mga taga-Iloilo?

RG: Una, mas maraming tao rito. Mas laid-back doon kaya gusto ko. Dito parang araw-araw kang nakikipaghabulan para mabuhay. Pero halos pareho lang naman ang mga tao sa Maynila at sa Iloilo. Halos pareho lang ang struggles natin. Mas mabilis lang ang ikot ng mundo rito.

RB: Ang daling tumanda rito. Ilang taon ka na ba?

RG: 23 lang ako.

RB: Wow.

RG: Haha. . . 23, ten years ago. Pagdating ko rito, 23 lang ako. Ngayon, 33 na. *tawa*

RB: Ang bilis tumanda dahil sa stress.

RG: Korak!

RB: Kumusta pala ang buhay sa seminaryo?

RG: Masaya ang buhay-seminarista, kaya tumagal din ako ng pitong taon dun. Mula high school. Malaking impluwensya ng formation sa loob ang dala-dala ko hanggang ngayon. Kaya kahit hindi ko trip maging pari, tumagal ako sa seminaryo.

RB: Kabisado mo lahat ng dasal?

RG: Ngayon hindi na. Dati kabisado ko.

RB: Nagamit mo ba yun sa mga pelikula mo? Yung karanasan sa seminaryo?

RG: Oo naman!

RB: Tulad ng? Pagdadasal na sana matapos ang shoot? *tawa*

RG: Haha, noong high school pa lang kasi nagma-mount na kami ng mga play. Competition yun. Kanya-kanya kaming sulat ng stage play. Mount dito, mount doon. Pati teknikal. Lahat ng aspekto ng production. Kinakarir namin talaga yun. Competition, banggaan ng year levels.

RB: Ang saya. Nananalo ka naman?

RG: Ay, hindi ako nagdidirek nun.

RB: Artista ka?

RG: Taumbayan kamo! Extra. Dadaan lang sa entablado. Mga ganun. *tawa*

RB: E sa paggawa ng pelikula, sa obserbasyon mo, may pagkakaiba ba ang paggawa ng pelikula sa Iloilo kumpara rito? Sa estilo at diskarte ng filmmakers?

RG: ‘Di ko pa naranasan mag-shoot dito. Maliban sa ilang exercise shorts nung nasa Mowelfund pa ako. Sa Iloilo kasi halos lahat ng tao kamag-anak mo, kaya madaling makiusap.

RG: Binabayaran din sila?

RG: Oo naman. Hindi nga lang sa oras. At saka ‘di masyadong kalakihan. Kahit pangkape lang nila. Masaya na sila dun. Mababait naman ang mga tao kung para sa pelikula.

RB: Kaya siguro hindi masyadong magastos. Pero paano yung mga gamit? Sarili mong kamera?

RG: Dun kami nagagastusan. Sa gamit. Ayaw ko naman kasi sayangin ang material, kaya kahit magastos nagdala kami ng CMB sa Iloilo. Mga tracks, ilaw, etc.

RB: Gaano ka katagal sa Mowelfund?

RG: Halos isang taon. Ilang workshops din. Mula directing, screenwriting, cinematography, editing. . . at siyempre, inuman!

RB: Ilang pelikula ang natapos mo? (Pagkatapos ng mga inuman. . .)

RG: Marami-rami rin. Karamihan mga full-length na docu, ilang shorts, at katakot-takot na AVPs.

RB: Panood! Lalo na yung AVPs!

RG: Yung ibang AVPs nasa Timawa na. *tawa*

RB: May mga film grants at film competition din ba sa Iloilo? Parang Cinemalaya o Cinema One?

RG: Wala.

RB: So sariling gastos ng filmmakers yung mga pelikula nila?

RG: Oo. Kung may grant, galing NCCA. O may iba ring nagbibigay. Pero dun sa Iloilo wala.

RB: Saan nila ipinapalabas?

RG: Sa CCP. Saka sa mga paaralan ng mga bata, minsan. Sa mga museo, sa resto-gallery ng kaibigan ko, nagpapalabas din. Buti nga ngayon may Cinema Rehiyon na. Hopefully magkaroon na rin kami ng sariling filmfest.

RB: Siyempre wala masyadong kita dun. Kasiyahan lang talaga.

RG: Wala talaga.

RB: Paano pala nakarating dito sa Maynila ang Timawa? Naalala ko nag-premiere yun dito sa Cinemalaya.

RG: Naglakad siya mag-isa. *tawa*

RB: Astig!

RG: Inimbita ni Ed Cabagnot. Tinawagan niya ako. Tinatanong kung mayroon akong ginagawang pelikula o kung may tapos na. Sabi ko mayroon, mainit-init pa. Wala pa nga lang subtitles. Yun yung Timawa. Marami kasi kaming footage sa prod house. Naisip naming paglaruan. Hindi namin sineryoso ang paggawa nun. Puro side trip lang.

RB: Pero sineryoso namin. Haha.

RG: Oo nga e, nagulat din kami na sineryoso niyo! Pero personal sa akin yung pelikulang yun. Dalawang ate ko kasi nurse. Mga tita ko karamihan nurse. Pati misis ko nurse. Kulang na lang ako maging nurse. Haha. Sinubukan nga nilang kumbinsihin e!

RB: Haha. E ba’t ‘di ka nag-nurse?

RG: Gusto ko kasi maging rockstar!

RB: Haha. May cult status na nga ang Timawa sa Maynila. Hard-to-find. Parang fictional film lang.

RG: Kayo kasi masyado niyong sineseryoso ang mga bagay-bagay!

RB: Napanood ko yun sa Mogwai. Ipinakilala ni Alexis (Tioseco). Gustung-gusto niya. Paano pala kayo nagkakilala?

RG: In-email niya ako. Actually dalawang beses lang kami nag-meet ni Alexis. Madalas kami mag-usap sa chat o email. Magkakilala sila ni Oscar Nava, yung producer ko at DOP ng Timawa.

RB: Kumusta ang pag-shoot ng Timawa?

RG: Masaya. Kapag gumagawa kasi ako, half-serious, half-playful. Laro lang din. Importante kasi na masaya sa shoot. Pero seryoso rin na tipong binubuhos ko talaga lahat ng oras ko sa paggawa ng pelikula, mula pre-prod hanggang post.

RB: Ganun nga yung lumalabas sa mga pelikula mo e. Serious and playful at the same time. Isa sa mga naalala kong unang rebyu ng Timawa ay galing kay Jessica Zafra.

RG: Oo nga, si Jessica unang nagrebyu nun! Maiksi pero maganda. E kilala mo naman si Jessica, iba ang taste nun.

RB: Sosyal ka! Matagal na ba kayong magkaibigan ni J.I.E. Teodoro?

RG: Oo parang kapatid ko na yan. Sa bahay yan lagi kumakain! Ako rin sa bahay nila lagi kumakain. At isa siyang sirena!

RB: Wow, gusto ko ng mga sirena.

RG: Dapat mabasa mo ang mga tula niya. Sa kanya ko pinattern yung character ni Timawa; kay Oscar naman si Delgado. Hanapin mo yung blog niya.

RB: Nabasa ko nga minsan. Natawa ako dun sa kuwento niya tungkol kay Piolo.

RG: Nandun siya nung awarding (ng Cinema One). Dun niya sinabihan si Piolo ng “I love you”. Haha.

RB: Bongga.

RG: Baliw yun. Nanalo siya sa National Book Awards nung nakaraang taon. Mga sanaysay naman. Ako ang publisher niya. Dummy publisher. Haha. Mga pito na ata ang libro niya. Limang beses na siya nanalo sa Palanca. Dito na siya nagtuturo ngayon sa Maynila.

RB: Astig, publisher ka rin. Saang eskuwelahan siya nagtuturo?

RG: Sa Miriam siya ngayon. Part-time sa La Salle.

RG: Ayos. Ayan, kuwento mo pala sa akin kung paano ipinanganak ang Wanted: Border.

RB: Matagal ko na nasulat ang Wanted: Border. 2001 ko sinimulan. Noong nasa Mowelfund ako. Mga panahong napapagod na ako sa buhay sa metro. Yun nga e, sa maling karatula sa harap ng apartment ko nakita yung WANTED: BORDER. Araw-araw ko ba namang nakikita yun. Kaya na-inspire ako. Sinimulan kong isulat.

Ang unang taong naniwala sa material ko ay si Cesar Hernando. Pinabasa ko sa kanya yung concept at storyline. Nagustuhan niya. Sabi niya gawin ko raw na full-blown screenplay. E wala akong trabaho nun. Binigyan niya ako ng pera. Sabi niya, huwag ka muna tatanggap ng raket. Eto, panggastos mo habang sinusulat mo. Kaya ayun, isang buwan ko sinulat, halos hindi ako lumalabas ng bahay.

Nakagawa ako ng pelikula dahil sa mga kaibigan. Kaya ngayon naghahanap din ako ng baguhang filmmaker, at kung magustuhan ko ang concept niya, bibigyan ko rin ng kahit maliit na pera para makapagsulat. Malaking boost yun sa akin, hindi dahil sa pera, pero dahil may naniniwala sa ginagawa ko.

RB: Tama, parang pay it forward. Tulungan lang. Saan nanggaling yung character ni Saleng?

RG: Si Saleng. . . di ko rin maalala kung sinong inspirasyon ko sa kanya. Yung karinderya kasi na suki ko dati e Salvacion ang pangalan. Baka dun ko nakuha.

RB: E yung ideya na nagluluto siya ng tao?

RG: Ah. . . mayroon kasi dating nagtitinda sa amin ng kakanin at isaw. E may tsismis na aswang daw. Puta ang sarap ng tinitindang barbecue nun! At isaw!

RB: Lasang tao?

RG: Hindi, lasang tae. Haha. Hoy, isang oras ka na!

RB: Kaya pa! Teka, marami bang aswang sa Iloilo? Siyempre maraming kuwento rito pero wala naman talagang may alam kung totoo. Personally, nakakita ka na ba?

RG: Wala namang aswang sa Iloilo. Ako lang. Haha. May mga kuwento-kuwento. Pero tang ina, ‘di totoo yang aswang!

RB: Sa Maynila nga may aswang e. Napanood mo ba yung Yanggaw ni Richard Somes? Yun pagtalakay ng aswang dun mas direkta; yung sayo mas symbolic, mas socially-oriented, mas madilim.

RG: Oo, napanood ko. Yung kay Richard naman kasi aswang talaga na aswang. Yung sa ‘kin, oo nga, tama ka, mas socially-oriented.

RB: Yung sa ‘yo tungkol sa mga aswang tulad ni Gloria Macapagal-Arroyo.

RG: Tiyanak yun!

RB: At tulad din ni Palparan at Raul Gonzales.

RG: Sila nga yun!

RB: Mahilig ka sa mga pusa ano? Ang daming kuha ng mga pusa sa Wanted: Border.

RG: Hindi! Kabaligtaran. Ayaw ko sa pusa. Lumaki kami na walang pusa sa bahay dahil allergic ako sa balahibo nila.

RB: E ba’t ang daming pusa? Intensyonal ba ang pagkakalagay mo?

RG: Siguro dahil hindi ako nagkaroon ng alagang pusa. Pakiramdam ko rin kasi mas sincere ang mga pusa kaysa mga aso e.

RB: Totoo yun, mas kilos- at isip-tao ang pusa kesa aso. Isnabero sila. Teka, alam mo, sa lahat ng mga supporting characters dito, pinakanaintriga ako dun sa matabang babae. Unapologetic kasi yung pagpapakita sa kanya. Tipong walang pakialam sa mundo, hindi insecure.

RG: Kapatid ni J.I.E. yun, si Shine (Sunshine Teodoro). Ganun talaga yung pagkatao niya. Walang pakialam. Hedonist. Kung ano masarap. . . panalo! Kumuha ng medicine yun si Shine. Chain smoker. Manginginom. Chubby. At artista!

RB: Nung sinulat mo yung character siya talaga yung nasa isip mo?

RG: Hindi, yung isa kong kaibigan. . . Pero pasok din sa kanya.

RB: Mataba rin? Kailangan talagang mataba? At tipong hayok?

RG: Yup. Kailangan talaga. Hayok sa laman! Laman ng baboy! *tawa*

RB: Haha. Thematically ang pelikula mo ay tungkol sa pagkahayok naman. Parang bomba film. Speaking of bomba, kumusta pala ang pagdidirek kay Osang?

RG: Seryoso siya sa papel niya. Nung una, siyempre, medyo alangan. Sabi ko nga sa kanya, “Naiilang ako mag-direk sa ‘yo, Osang. Kasi dati pinagbabatehan kita!” *tawa*

RB: Haha, panigurado, tawa yun nang tawa!

RG: Parang ate ko lang si Osang. At prayer partner.

RB: Nag-aral ba siya mag-Hiligaynon?

RG: Sinubukan niyang mag-aral. Pero mapagmasid naman kasi siya, kaya ‘di siya masyadong nahirapan. Ang mahirap lang, kasi nasal siya. E hindi nasal magbigkas ang mga Ilonggo. Kaya ayos lang din na kaunti ang dialogues niya. Kahit ‘di kasi siya magsalita, malakas na yung character niya. Pasado rin yung punto niya. Pero wala na akong pakialam sa punto. Natuwa nga ako at naiba. Nabigyan ng bagong texture, na hindi naman nababoy. . .

RB: May kritiko nun ang Yanggaw na pinuna ang punto ng mga artista. Disturbing daw. Kaya naitanong ko.

RG: Mas matino nga ang Yanggaw e. . . Ayos lang, disturbing naman yung film e. *tawa*

RB: Eto seryoso nang kaunti. Nangyari yung Ampatuan Massacre pagkatapos maipalabas yung Wanted: Border di ba. Nagbago ba ang pananaw mo sa karahasan? O lalong napaigting?

RG: Hindi naman nabago. . . Pakiramdam ko kasi matagal na yung ganung karahasan sa atin. At lalong naisapubliko nang nangyari ‘tong masaker. Sa akin naman, kahit anong pangalan pa ang itawag natin, o i-tsismis lang natin yung ibang tao, parang minasaker mo na rin sila e, sabihan ng masasamang salita. . . parang si Saleng. Naisip ko ngang ipalabas ang Wanted: Border sa ibang lugar para suportahan ang pagkondena sa Amapatuan Massacre, at yung nangyari rin kay Alexis. Napakarahas ng pagpatay sa kanya.

RB: Para sa akin, marahas ang pelikula mo. Kahit hindi ipinapakita. Yung nangyari sa Maguindanao, napakarahas na, nakikita mo pa.

RG: Tingnan mo, kung hindi pa naipalabas sa TV yung nangyari sa Maguindanao, hindi pa natin mare-realize na ganito pala ka-demonyo ang sosyedad natin. Kaya minsan kailangan talaga makita natin at maramdaman ang mga bagay-bagay para matuto tayo. Kung hindi man tayo matuto, makapagnilay man lang o makapag-isip. Yun lang ang layon ko sa Wanted: Border. Ipakita o ipadama ang violence para mas mapahalagahan natin ang kapayapaan.

RB: Tama ka. Pero ang malungkot, parang nakakalimutan din paglipas ng panahon. Tas may bagong karahasan ulit. Bagong ipaglalaban. Nagpapatung-patong lang. Panahon ni Marcos, panahon ni Cory, panahon ni Gloria.

RG: Sa Cambodia, milyon nga ang namatay. Kahit saan siguro, matira talaga ang matibay. Importante ngayon na mas maging mapagmatyag tayo.


RB: Buhay ka na nung Martial Law di ba? Ganun din ba kalaganap ang pangingidnap at pagpatay ng mga kumakalaban kay Marcos sa Iloilo?

RG: Ang kuwento nila may mga kotseng itim na namimik-ap. Iyon ang kinalakihan ko. Pinagbabawalan kaming maglaro ‘pag gabi kasi baka damputin kami ng itim na kotse. Awto-bitin ang tawag namin dun. Marami ring naging biktima ng political killings noon sa Iloilo.

RB: Dinadampot kahit hindi aktibista?

RG: Oo. Yung iba napagkakamalan lang.

RB: Nangyayari pa rin yun hanggang ngayon. Maraming kaso. Dito rin sa Maynila. Kaya mag-ingat ka. Haha.

RG: Naku, okay lang. *tawa* Dapat tayo na ang mamik-ap. Wala nga lang kotse. Taksi lang. Haha.

RB: Una nating damputin si Palparan.

RG: Tang ina, demonyo yun!

RB: ‘Di siya dapat ipakain. Malalason ang mga tao. Itapon na lang siya sa kanal. . . Teka, na-imagine mo bang ikuwento ang Wanted: Border nang linear? Tipong hindi kalat. . .

RG: Intensyonal yun. At ako rin kasi, ganun. Baligtad ako magkuwento kahit nung bata ako. Kalat na may disiplina. Mas naaalala ko kasi kung saan ko inilagay ang mga gamit ko kapag kalat. Kung maayos, naku, nahihirapan ako lalo!

RB: Pero may sense pa rin kahit kalat. Sa totoo lang dun nga nanggagaling ang husay ng naratibo mo e, sa structure.

RG: Normal na kasi sa akin na kalat magkuwento. Pero kahit ganun, naikukuwento ko naman siya nang maayos. Di ko ma-imagine na gumawa ng linear script. Pero gusto ko mag-direk ng linear na love story at cheesy na film. . . Challenging yun!

RB: Star Cinema! Magpapansin ka! Handa kang magkompromiso?

RG: E kung alam ko naman sa simula palang na mainstream yung proyekto, walang problema sa akin. Ayos ako sa kompromiso. Mainstream yun e.

RB: At saka kung malaki naman ba ang TF e!

RG: Korak!

RB: Natapos ang Wanted: Border na may pagka-hopeful. Ba’t dun mo tinapos?

RG: Hopeful ako sa lahat ng bagay. Hindi naman tayo dapat mawalan ng pag-asa. Kahit siguro hindi ako relihiyosong tao, mataas ang pananampalataya ko sa nasa itaas. Preachy nga yung Wanted e. Pang-retreat na pelikula!

RB: Iba-ban ng mga pari. Haha.

RG: Kung iba-ban nila yun ibig sabihin insecure sila sa sa mga itinuturo nila.

RB: Sabagay, e alam mo naman ang mga pari, insecure din sila pa-minsan. O teka, ikuwento mo na sa akin yung ending na one-take. Napanood mo ba yung The Passenger ni Antonioni? May pagkakatulad ang ending nun sa Wanted. Mas mahaba nga lang yun at komplikado, anim na minuto ba naman! Lumabas ng bintana yung kamera.

RG: Ay, ‘di ko pa yun napapanood. Maka-Hollywood ako bro! Trip kong ma-entertain sa sinehan. Mababaw lang ako sa trip. Haha.

RB: Hindi naman mababaw yun. Ako rin naman Hollywood baby. Mas marami nga lang napanood kasi nakakahiya naman kung nagsusulat ako at wala akong alam. Pero di nga, saan galing yung ideya? At paano niyo nagawa?

RG: Matagal ko nang gustong gawin yung ganung shot. At naisipan kong subukan dito. E timing na nagawan ng paraan kung paano ma-e-execute. Kaya sinubukan namin. . . Ayun, mukhang maayos naman. Teka, magagalit si Ogi (Sugatan) e. Sikreto namin yun! *tawa*

RB: Sige hindi ko na kakalkalin kung nakadepende ang buhay mo.

RG: Basta gan’to, tatlong tao ang naghawak ng kamera sa shot na yun. Pinagpasa-pasahan namin.

RB: E di kinuwento mo rin! Pero hindi magalaw. Paano siya nakalusot dun sa. . . anong tawag dun?

RG: Sa kawayan. . . Pinasa sa loob. Tapos dumapa lang ang nagpasa sa harap. Iba na yung naghawak sa kamera papasok.

RG: Ayos. Isang take lang yun o inulit niyo?

RB: Isa lang. . .

RB: Nakakapagod?

RG: Nung pag-preview kasi okay na e, kaya go na ako dun.

RB: One take good take!

RG: Kaunti lang ako mag-take. Minsan nga hindi na ako nag-se-safety. . .

RB: Ayos. Iniisip ang kapakanan ng crew. Si Kubrick nga di ba nakakalampas 100 takes.

RG: Iniisip ko rin kasi na film ang gamit ko. Yung disiplina lang na huwag magsayang ng takes. . . at oras.

RB: So si Kubrick walang disiplina?

RG: E tang ina, ikaw ba naman ang mag-take ng sobra sa isang daan! Hindi naman robot ang mga tao sa set.

RB: Astig pala ng pamagat mo. Parang Star Cinema lang.

RG: Minsan maganda rin kasi ang maling spelling. Haha.

RB: Tingin mo ano-ano ba ang mga “border” nating mga Filipino? Parang hindi naman kasi talaga geographical. Mas malalim ang borders natin. Internal. Ang dating sa akin sa ending mo, kahit imposible (yung shot), kahit halos imposible magtulong-tulong lahat ng Filipino mula Luzon hanggang Mindanao, kaya naman nating gawin.

RG: Yun ang mahirap sa ngayon e. Hindi tayo malaya sa sobrang dami ng pinagdadaanan natin. Mali ang pag-intindi ng ilan sa pananampalataya. At nagkaroon tayo ng marahas na lipunan na likha ng mga sakim na lider. Marami. . .

RB: May pag-asa pa ba?

RG: Meron.

RB: Paano?

RG: Kung nagawa nga namin yung huling shot. . . bakit ‘di natin puwede gawin ang imposible? Yun nga lang, siyempre, kailangan magtulungan. Katulad nun, tatlo kaming naghawak ng kamera, pinasa-pasa namin. . . bayanihan. Natutuwa nga ako at binabasa niyo yung last shot. Napaka-hopeful ng shot na yun.

RB: Kaya nga kita tineks kaagad pagtapos ng pelikula e!

RG: Statement din yun. Political statement. Dapat nang patayin ang bulok at luma nating pag-iisip. At kahit pumasok tayo sa butas ng karayom para sa pagbabago, gawin natin! At magagawa natin yun nang sama-sama. Yun nga lang, di namin siguro kakayanin ng DOP ang butas ng karayom! *tawa*

RB: E kung mga katulad ba naman ni Gloria ang nasa paligid mo, nakakawalan ng loob. . . tipong, ano ulit yung bayanihan? Nahulog yung sentido-kumon ko. Hinihila tayo pababa. Nakakabobo.

RG: Haha. Hoy! Overtime ka na!

RB: Teka. May call time ka ba bukas?

RG: Masakit na ang likod ko. Haha.

RB: Magpapadala ako ng libreng masahe. Haha. Ano bang mga trip mong pelikula? Foreign o local, kahit ano.

RG: Ano ba. Marami e. Mga pelikula ni Kubrick. At Scorsese. Sa local. . . mga pelikula ni Carlo J. Caparas!

RB: Wasak! Akala ko ba anti-violence ka e mga ma-trip sa violence yung director na  yun a. Lalo na yung huli!

RG: Paborito ko yung Taxi Driver. . . A Clockwork Orange. . . The Shining. . . Marami. Hindi lang naman kasi violence ang mensahe ng mga pelikula nila e. Nang ipinanganak tayo, marahas na yun. . Yung separation at physical pain sa nanay, sobrang masakit. Kaya nga siguro innate na sa atin ang violence. Madugong proseso.

RB: Sabagay. Hindi matatakasan. (Ganun din ba mag-isip si Carlo J?) Miss na miss mo na siguro yung pamilya mo. Nababanggit mo na sila kahit hindi sila ang nasa usapan. Haha.

RG: Oo nga, kakatawag lang ng anak ko. Umiiyak. . .

RB: Umuwi ka na raw. Magkaiba ba ang reaksyon ng mga tao rito sa mga pelikula mo kumpara sa Iloilo?

RG: Hindi pa namin pinapalabas sa Iloilo at Bacolod ang Wanted e.

RB: Pero sa mga dati mong gawa?

RG: Malamang meron yun. . . Nung pinalabas ko ang Timawa, puro SRO kami. Ang dami kasi naming kaibigan! Pero siyempre may screenings na yung ibang tao naglalabasan.

RB: Salamat sa mga kaibigan! May mga bagong proyekto ka ba? Kuwento naman. Kahit yung mga medyo matagal pa bago matupad.

RG: Meron. Taglugar ang pamagat. May grant mula sa NCCA. Pero pahinga muna ako sa ngayon. Draining e. Mga AVPs muna para sa mga nagbi-birthday!

RB: Sana marami pang senadora ang mag-birthday at lapitan ka!

RG: Kailangang mabayaran ang mga inutangan sa Wanted. Haha.

RB: Buti mababait ang mga inutangan mo, puwedeng matagalan ang bayad.

RG: Hindi lahat mababait. . . Haha. Mababawi din namin yun kapag na-market na ang Wanted.

RB: Good luck!

RG: Salamat dilaga sa Wanted. . . y nyo han sa pagbiga. Salamat sa pagbibigay-halaga niyo sa Wanted.

RB: Siyempre! Malakas ka sa ‘min. Tungkol saan pala ang Taglugar?

RG: May pagka-environmental. Treasure hunting. Military abuse. Hindi violent. Haha.

RB: Ayos. Naalala ko pala, inialay mo kay Alexis ang Wanted.

RG: Oo. Malaki ang nawala sa atin e. . . Pero dahil din sa pagkawala niya, malaki rin ang impact. Ako, mas na-inspire ako gumawa (ng pelikula). . . nagkaroon ng hinaharap ang Philippine cinema. Sigurado yun. Actually dahil kay Alexis maraming nag-iisip na kritiko ang ipinanganak. . . sa tingin ko lang ha.

RB: At maraming filmmakers ang nagseseryoso na. Pero ba’t kailangan niya mamatay para mangyari yun?

RG: Siguro ganun lang talaga. May magsasakripisyo. Bago ko pa i-shoot ang Wanted, pinagkukuwentuhan na namin yung pelikula through email.

RB: Ano sabi niya?

RG: Excited daw siya mapanood. . . Sayang hindi na niya inabot.

RB: Tingin ko, kung mapanood man ni Alexis ang Wanted, kung nasaan man siya, proud siya sa ‘yo.

RG: Sana nga. . . Alam ko matutuwa siya rito.

RB: Sigurado yun. Uy Ray, eto na ang hininintay mo. Salamat sa oras. Sabi nila kapag big-time daw lalong nagiging busy. Kaya nilubos-lubos ko na. Pasensya na’t hindi natupad ang isang oras na pangako.

RG: Big-time lang ako sa mga kaibigan ‘tol! Sana sa susunod big-time na sa pera para kain at inom tayo!

RB: Ayos! Sagot mo! Pag bayad na ang mga utang. Haha.

RG: Sige, dre, salamat nang marami. God bless!

RB: Salamat, salamat, salamat. Maaari mo nang ipahinga ang likod mo.

RG: Ayos. Pasensya na ha. Sana may sense naman ‘to. Wasak lang talaga ako.

RB: Wasak! Maraming sense. Magandang gabi at salamat ulit.

Lungsod ng Maynila
Biyernes, ika-11 ng Disyembre, 2009

(Ang mga larawan ay mula kay Ray Gibraltar at sa kanyang Facebook account)

Advertisements

Comments»

No comments yet — be the first.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: