jump to navigation

Ang Panday (Mac Alejandre and Rico Gutierrez, 2009) January 8, 2010

Posted by Richard Bolisay in Asian Films, Festival, Literature, Noypi.
trackback

Directed by Mac Alejandre and Rico Gutierrez
Cast: Bong Revilla, Iza Calzado, Phillip Salvador
Based on National Artist Carlo J. Caparas’ comic series

Hindi ko napanood ang Panday ni Bong Revilla. Hindi naman libre ang sine, at hindi naman ako ipokrito para sabihing handa akong maglustay ng pera sa pelikulang alam ko na ang lasa bago ko pa man tikman, kaya minabuti ko nang premyuhan ang sarili ko ng kapayapaang hindi sasakit ang ulo sa loob ng dalawang oras. Pero dahil tila isa siyang mahalagang pelikula, naghanap ako ng nakapanood. Siyempre hindi naman mahalaga kung pangit o maganda ang pelikula, mas mahalaga kung mahalaga siya. At ang Panday ni Bong Revilla ay mahalaga, kung di man sa habang panahon e kahit papa’no sa taong nakalipas.

Kaya naghagilap ako ng kaibigan. Teks, teks, Walang tawag, tawag, susko, hindi ko na nga ako gumastos sa sine e, tapos gagatos ako sa tawag? Neknek mo Bong. Ayun, may mga sumagot namang mga kaibigan. Iniwasan din nila. Yung iba hindi pa rin nakakanood. Pero suwerte ata ang bakasyon ko dahil isang gabing umuwi ang ate ko at ang mga anak niya, akalain mong nanood pala sila ng Panday. May pera! At naisip ko, bakit pa ba ako lalayo e nandyan naman si Iya, ang pamangkin kong limang-taon na mas maalam pa sa akin sa pagkakaiba ng pangit at maganda. Akalain mo yun, napanood ng pamangkin ko ang Panday ni Bong Revilla. Taob ako. Talo ang credentials ko, kung meron man.

Kaya ayan, pagkatapos maghapunan ni Iya, kinontrata ko na siyang irebyu ang Panday. Ang mga bata, natuklasan ko, wala namang konsepto ng pagtanggi. Basta’t pagmumukhain mong mahalaga ang sasabihin nila, papayag sila. Hindi katulad ng mga utaw na ibang klase kung magpapilit. Ang mga bata, konting bola, konting udyok, papayag na. Wala naman kasi silang mga trabaho at walang mga hang-ups sa buhay. Ayun, papayag si Iya basta raw bibigyan ko siya nung chocolate na nakatago dun sa ref at hindi ko sasabihin sa nanay niya na yun ang kondisyon niya. Ayos, sabi ko, walang problema. Basta pag sumakit ang ngipin mo bahala ka nang magpabuko. E di sabi ko, dali, sulatin mo na. Kahit isang talata lang.

Hawak ang papel at bolpen, tiningnan muna ako ni Iya nang matagal. ‘Kala ko nasa mukha ko ang isusulat niya kaya hinintay ko lang siya tumungo at bumalik sa pagsusulat. Kamukat-mukat mo, may iba palang dahilan. Nung tinanong ko kung bakit di pa siya magsulat, sumagot siya.

“E tito, hindi pa ako marunong magsulat.”

Tang ina, oo nga pala, ba’t di ko ba yun naisip. Akalain mo yun, nakasalalay ang pinakamagandang rebyu ng Panday sa isang batang hindi pa marunong magsulat! Anu’t anuman, hindi maaaring hindi marebyu ang Panday, ngayo’t natagpuan ko na ang pinakatapat na taong maaaring humusga nito. Isa pa, gusto ko rin talagang malaman kung anong tingin ni Iya sa pelikula ni Bong Revilla. Siya lang ang paniniwalaan ko sa lahat.

Kaya minabuti kong kausapin na lang siya. Binitiwan niya ang papel at bolpen at binuksan ang chocolate na suhol.

“O dali, sabihin mo na lang sa ‘kin kung anong tingin mo sa Panday.”

“Hindi siya maganda!”Habang may chocolate pa sa bibig.

“E bakit? Maganda raw sabi ng kuya mo a.”

“Ang pangit-pangit ng istorya. Ang pangit-pangit. Parang yung kalaro ko.”

“Ba’t pangit?”

“E kasi, yung lalaking kalbo, ang pangit na, masama pa. At saka yung dila niya ang haba-haba. Tas itinali niya si Panday sa dila niya. Saka pinagbubugbog niya gamit yung dila niya. Kadiri.”

Tigil. Kumuha pa si Iya ng chocolate. Mukhang may sasabihin pa siya kaya hinayaan ko muna siyang magpatuloy.

“Nakakalungkot yung istorya. At saka si Panday nabulag siya. Tas yung babae ni Panday magpapakasal dun sa kalbong lalaki! Yung pangit na kamukha ng kalaro ko.”

“Bakit, ano ba yung magandang palabas? Ba’t hindi yun yung pinanood niyo?”

“Yung Shake Wattle and Woll. Pinakamaganda yun sa buong mundo. Pinilit lang nila ako manood ng Panday. E me pera naman ako. Sabi nila iiwan daw nila ako sa loob ng sinehan pag di ako pumayag.”

Tigil ulit.

“Gusto ko ng nakakatakot. Gusto ko ng kinakabahan. E sa Panday hindi ako kinakabahan kasi ang sama-sama nung lalaki. Ang pangit-pangit! Ang sama-sama nung kalbong lalaking kamukha ng kalaro ko!”

Parang hanggang dun na lang ang kayang sabihin ni Iya; kaya minabuti kong ihinto na ang pagtatanong at patulugin siya, kasabay ng paghahangad na hindi niya mapanaginipan si Phillip Salvador. Tama, ito na nga ang pinakamatapat na rebyung hindi ko kayang isulat.

#

P.S. (isang P.S. na mas mahaba pa sa S)

Gusto ko lang isingit bilang nandito na rin. Kasagsagan ng MMFF nang imungkahi ni Bong Revilla na magpalabas lamang ng isang Hollywood movie sa loob ng isang buwan. Ginawa niyang halimbawa ang kaso ng South Korea, na diumano ay lubhang nakatulong ang limitasyon sa pagpasok ng pelikulang Hollywood upang umunlad ang sarili nitong industriya.

Alisin ang konteksto, may kabuluhan ang gustong mangyari ni Bong Revilla. Matagal nang patay ang pelikulang Filipino dahil sa mga import na palabas. Mas maraming gustong manood ng Paranormal Activity kaysa Villa Estrella, ng Up at Wall-E kaysa Urduja at Dayo, ng New Moon kaysa Yanggaw. Pero kapag tinanggal mo lahat ng tubig sa dagat, ano-ano at sino-sino nga lang ba ang maiiwan? Si Kim Chiu at Gerald Anderson? Si Vic Sotto? Si Piolo Pascual? Mano Po 97? Shake Rattle and Roll 105? Napakagandang sitwasyon.

Sa totoo lang, pinapaniwala lang tayo ng mga katulad ni Bong Revilla na nabubuhay ang pelikulang Filipino minsan sa isang taon dahil sa MMFF—na palagay ko ay mas akmang tawaging “burol ng pelikulang Filipino” kaysa isang okasyon. Oo nga, kumikita ang mga pelikula, pero makabuluhan ba ang mga ito? Totoo bang na-enjoy siya ng mga tao tulad ng madalas nilang sabihin kapag itinapat na ang mikropono? O dahil Pasko lang at walang karapatang maging salbahe? Ganun na lang ba lagi, maganda ang pelikula dahil pinaghirapan? Sinong ulol ang gusto niyong lokohin? Maski pamangkin kong limang-taong gulang nga hindi niyo nabola e. At kahit maglabas pa ang ABS-CBN kada isang oras ng ambush interview na napakaganda ng I Love You, Goodbye—at kahit sabihin pa ni Kris Aquino na maganda ang kahit anong pelikula ng Star Cinema mamatay man siya—e alam naman natin kung sino ang tunay na nagagantso.

Alisin ang konteksto, layunin ni Bong na pasiglahin ang pelikulang Filipino. Dahil kaunti na lang ang palabas na Hollywood, “mapipilitan” ang mga taong manood ng mga lokal na gawa at dahil dun, masaya ang producers, masaya ang MTRCB dahil marami silang mahuhuthot na buwis sa bawat pelikulang ipapalabas, masaya ang gobyerno dahil sa limpak-limpak na buwis na mananakaw, masaya ang mga tsismosa dahil mas marami silang mapagtsi-tsismisan, masaya ang mga artista dahil lagi silang may trabaho, at masaya ang kabit ng mga artista dahil hindi sila mawawalan ng sustento. Ang saya-saya ‘no? Isa lang naman ang hindi magiging masaya e. Ang manonood.

Mabibilang mo sa daliri ng iyong kamay at paa kung ilan lang ang magagandang pelikulang Filipino na lumalabas sa isang taon, kabilang na diyan ang mga kasali sa Cinemalaya, Cinemanila, at Cinema One, yaong mga bukas sa publiko upang panoorin; at sa takbo ng mainstream cinema sa ngayon, sino nga ba ang talagang talo? Hindi ba’t kami na nagbabayad para sa pelikula, kami na may karapatang pumili kung saan namin gustong gastusin ang perang pinaghirapan naming ipunin, kami na umaasang maaaliw pero lumalabas ng sinehan na sising-sisi, kami na naniwala sa sinabi ni Piolo at KC na maganda ang pelikula nila pero hindi naman pala. Bakit sa lahat ng tao kami ang kailangang magdusa? Hindi ba’t tama lang naman na kapootan namin kayo at sigawan ng, Putangina niyo, bakit hindi niyo na lang pagandahin ang mga pelikula niyo? Bakit kami ang titikisin niyo at huhusgahan sa panlasa na mayroon kami? At bakit kayo ang magdidikta ng kung ano ang magandang palabas na maaari lang naming panoorin?

Lilinawin ko, hindi ko punto na lahat ng pelikulang Hollywood ay maganda. Sa totoo lang, karamihan ng mga dinadala nila rito ay yaong mga tingin lang ng mga distributor ay kikita—dahil siyempre pera-pera lang naman yan. Yung mga magaganda, inaasa na lang natin sa pirata at download sa Internet. E kung pera-pera lang din naman pala, bakit ko pa payayamanin si Bong Revilla at tutulungan siyang makagawa ng mga pelikulang tulad ng Panday na sabi nga ng pamangkin ko ay, “Ang pangit-pangit! An pangit-pangit!”? Kapag nanggaling sa bata ang salitang pangit, mga 98% lang naman siguro siyang totoo.

Sasabihin ko sa inyo, kapag maganda ang pelikula, manonood ang mga tao, krisis man o hindi. Matalino po kami. Baka po kayo yung hindi. Manonood kami kapag gusto namin; manonood kami kung naniniwala kaming may mapapala kami sa pelikula. Kahit na hindi kami kumain habang nanonood, basta solb na sa palabas. Kahit maglakad pa kami pauwi. Ganun naman ang tunay na pagmamahal sa pelikula ‘di ba? Sa sinasabi mo Bong Revilla, kailan pa kinailangan ng awa (at hindi ng suporta) ang pelikulang Filipino?

At bilang pahabol, huwag na natin alisin ang konteksto. Iwan mo ang konteksto at si Bong Revilla ay hitik pa rin sa kanyang messiah complex. Siya diumano ang ating Tagapagligtas. Itinuturing niya ang mga manonood bilang Katrina Halili at ang Hollywood bilang Hayden Kho. At handa siyang maglaan ng pagkahaba-habang speech sa Senado para ipamukha sa atin kung gaano siya kakisig upang ipaglaban tayo. Hindi niya tatantanan ang mga Hayden Kho sa mundo hangga’t hindi sila natatanggalan ng lisensya. At nakakapag-Ingles na siya ngayon, dahil kinakailangan. Ang lalaki nga naman! Gagawa ng paraan basta’t makaiskor lang. “Ang pogi mo, Bong!” gusto niya atang marinig mula sa atin. O kulang pa, “Ang macho-macho mo, Bong! Pahalik!” Magsama kayo ng pelikula mo sa basurahan.

Minsan nakadepende rin ang mungkahi sa nakaisip nito.

Comments»

1. pengmolano - January 8, 2010

Well said.

Agree ako sa mga sinasabi mo. Naaasar nga ako kasi parang trinatrato tayong lahat na manonood na bobo. Kailangan pa natin ng mas magaganda pang mga pelikula.

Nag-enjoy akong basahin ito, salamat. ^^

2. Richard Bolisay - January 9, 2010

Ayos, Peng. Malay mo makarating ‘to ke Senador Bong Revilla.

3. ilayaonline - January 15, 2010

E pano kung makarating kay Direk ano… :p

4. ilayaonline - January 15, 2010

pero hindi ko pa alam ang opinyon ko tungkol sa mungkahi ni Bong Revilla…

5. imba - October 26, 2011

Ang pait mo pre, gumawa ka muna ng sarili mong storya, bago ka mang basura ng pelikula. sumulat ka, sana lang may magsapelikula niyan pre. hinahon.


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: