jump to navigation

Orapronobis (Lino Brocka, 1989) June 9, 2010

Posted by Richard Bolisay in Asian Films, Noypi.
trackback

Hindi ito sa Maguindanao

*

Sa panulat ni Pete Lacaba
Sa direksyon ni Lino Brocka
Cast: Phillip Salvador, Dina Bonnevie, Gina Alajar, Bembol Roco

►► TAKOT AT PAKIKISANGKOT

Balot ng takot ang pelikulang Orapronobis ni Lino Brocka. Simpleng tunog ng doorbell o katok sa pinto ay nagpapahayag ng pangamba. Ang mga kaluskos sa dilim at mabilis na pagbukas ng ilaw ay nagpapahiwatig ng kaguluhang maaaring maganap. Malinaw na sinimsim ni Brocka ang mga detalye mula sa iskrip ni Pete Lacaba—mula sa kabuuang tema nito ng katarungan at pagkuwestiyon sa demokrasya hanggang sa paglalayon nitong maisalba ang personal mula sa politikal (na napatunayang imposible)—upang ipahatid ang pakiramdam ng kawalang-katiyakan at ang kabilang mukha ng diktadurya na namukod-tangi sa panahon ng panunungkulan ni Cory Aquino.

Maikling-maikli ang pambungad ng pelikula subalit malaki ang papel nito sa kabuuan. Isang pari na inakusahang tumutulong sa mga rebelde ang pinagbabaril ng lider ng grupong tinatawag na Orapronobis. Vigilante ang mga Orapronobis, isang kulto sila na kumikilos upang pulbusin ang komunismo sa gawing Timog. 1985 ang nakalagay na taon ng pangyayari, na nangangahulugang panahon pa ni Marcos aktibo ang mga vigilanteng ito—may abiso man mula sa pamahalaan o wala—ngunit hindi maitatangging sila ay nabigyan ng mas malawak na kalayaan at kapangyarihan, complicity kumbaga, sa panahon ni Aquino.

Kung liliripin, magpasahanggang-ngayon, kung malay ang manonood sa kanyang kasaysayan, hindi mapapasubalian ang tapang ni Lacaba at Brocka na gawing basehan ang pagpatay ni Norberto Manero sa Italyanong pari na si Tullio Favali para sa panimula ng pelikula. Isa itong pagtanggap sa bangungot ng Batas Militar, sa panahong wala nang magawa ang mga Filipino kundi ang tumanggap, at ito ay nagbigay ng matibay na takot sa pelikula upang higit na lumutang ang argumento ni Brocka hinggil sa administrasyong Aquino na kung usaping karahasan din lang ang pag-uusapan—lalong-lalo na sa paglabag sa karapatang-pantao—ay hindi ito nalalayo sa rehimeng Marcos.

Matiim na tanong ni Brocka, ito ba ang pangako ng demokrasya?

Matapos ang apat na minuto, lumabas ang credits ng pelikula; ipinakita ang mga taong nagdiriwang sa tagumpay ng unang People Power sa EDSA; at makalipas ang isa’t kalahating oras ay nabuo ni Brocka at Lacaba ang manifesto ng tuwid na pakikibaka, ang manifestong naghahayag ng galit, poot, at pagkasuklam sa pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan, at ang manifestong patuloy na nagsusulong ng napapanahong sining ng pakikisangkot.

►► KILUSAN, SANTA FILOMENA, IMAHEN MULA SA PELIKULA

Lumaya ang dating paring si Jimmy Cordero dala ang pag-asa at kapayapaang pangako ng bagong pangulo. Umuwi siya sa kanyang pamilya matapos mabuwag ang diktaduryang kanyang nilabanan at nagpakulong sa kanya. Ang maybahay niyang si Trixie ay nagtatrabaho sa isang NGO na pangunahing nagmamatyag sa mga paglabag sa karapatang-pantao, hawak ang mga kasong kadalasang militar at tauhan ng gobyerno ang maygawa. Buntis si Trixie, at hatid ng supling na ito ang pagpapanibagong-buhay para sa pamilya, isang tahimik na tahanan at panatag na pag-iisip. Ngunit saliwa ito sa nangyari.

Ang bayan ng Santa Filomena, kung saan dating naging aktibo sa kilusan si Jimmy, ay kubkob ng takot dahil sa mga insidente ng pagpatay sa mga pinaghihinalaang komunista ng grupong tinatawag na Orapronobis. Tatlong taon ang nakakaraan, isang pari ang walang kaabog-abog na binaril matapos akusahang tumutulong sa mga rebelde. Ngayon, puntirya ng Orapronobis ang mga taga-nayong paniwala nila ay mga NPA o tumutulong sa mga ito. Ang dating nobya ni Jimmy na si Esper ay nasa Santa Filomena pa rin, inaaruga ang kanilang anak. Dala ng bigkis na ito ang pananagutan nang bumiyahe ang mga taga-Santa Filomena patungong Maynila, dahil sa banta ni Kumander Kontra na pupulbusin ang lugar. Sa siyudad, bagamat maraming tao sa paligid, ay lantaran pa rin ang pagpatay. Walang habas ang pangingidnap sa harap ng maraming saksi, ang pagtutok ng baril, ang marahas na pananakit. Dahil naging public figure si Jimmy matapos ang kanyang paglaya, naging bukas ang pagtuligsa niya sa militar, dahilan upang maging puntirya siya ng mga ito. Napatay ang kapatid ni Trixie. Dinakip ang mga pinaghihinalaang NPA sa paaralang tinitirhan pansamantala ng mga taga-Santa Filomena gamit ang informer na may bayong na takip sa mukha. Sapilitang dinala ng mga armadong lalaki si Esper at ang kanyang anak sa isang sasakyan at dinala palayo. Walang nagawa ang mga tao. Walang nagawa ang media. Walang nagawa ang pamahalaan.

Ngunit si Jimmy—matapos akapin ang bangkay ng anak na kailanman ay hindi siya nakilala bilang ama, ang kanyang anak na binaril ni Kumander Kontra kasama ng kanyang ina, ang kanyang anak na kasama sa masaker, sa masaker na sa bokabularyo ng militar ay isa lamang “engkwentro”, na tila ba “engkwentro” lamang ang maaaring dahilan ng pagkamatay ng mga taga-probinsiya, “engkwentro” sa gayong paraan: di-mabilang na tama ng baril, mga babaeng ginahasa, mga bao ng ulo na labas ang utak, mga dugong dumilig sa lupa, mga matang hindi na nagawang ipikit—si Jimmy ay buo ang loob na babalik sa kilusan, tiim-bagang na pinatay ang ilusyong reformista.

Marami na ang naisulat hinggil sa napagtagumpayang adhikain ng Orapronobis kaya marahil sapat nang mapanood ang pelikula at ipapanood ito sa iba kaysa busisiin ito. Hindi maitatangging sa pamamagitan din ng Orapronobis ay lalong tumibay ang reputasyon ni Brocka bilang isa sa pinakamahahalagang artist ng bansa, pagkilala hindi man mula sa nangingibabaw at makitid na sistema, kundi mula sa mas maimpluwensiyang masa, sa akademya, at sa burgesya (bagamat karamihan sa mga burgis na ito, ayon nga sa mga pananalita ni Kumander Kontra ay mga “duwag na intelektwal!”). Mahirap pasubalian ang mga sinasabi ng pelikula. Napakabigat at napakalinaw ng mensahe nito na taas-kamaong lumalaban sa napakalaking katiwalian at sa napakaamong balatkayo ng liberalismo ng pamahalaan ni Cory Aquino.

Sa ganang ito, mabuti na itangi natin ang ilang imahen mula sa pelikula na nagbigay ng makabuluhang konteksto upang manatili itong napapanahon, na sa sobrang makabuluhan at napapanahon ay nakakatakot ang pagkakatulad nito sa sitwasyon ng bansa sa ngayon.

1. Ang pari, ang motorsiklo, at ang pagpapakilala ni Kumander Kontra. Malakas ang rehistro ng apoy sa eksenang ito. Gayundin ang daloy mula sa binaril na motorsiklo patungo sa binaril na pari, hanggang sa pagkain ng utak nito (na wala sa kopya ng pelikula). Maging ang biglaang putol at mahabang kadiliman ay puno ng pangamba.

2. Ang EDSA, ang dayuhang pangalan, ang palakpakan, ang tunog ng helicopter, at ang tinig ng mamamahayag. Ang literal na salin ng Latin na “Ora pro nobis” ay “Pray for us” o “Ipagdasal mo kami”. Ito ay ginawang “Fight for us” sa saling Ingles na mas akma sa tema ng pelikula. “Les Insoumis” naman ang naging French title nito, na nangangahulugang “the un-submitted” o “the unrelenting”. Mahirap ang salin ng Pranses na “insoumis” sa Ingles o Filipino, lalo na kung hahanapan ito ng isang salitang katumbas. Ayon sa aking napagtanungan, maaaring tumukoy ang “insoumis” bilang pang-uri o pangngalan sa mga taong hindi sumusuko, may diin sa pangkasalukuyan ng pandiwang suko. Maging sa maliliit ngunit kritikal na detalye tulad ng pagkakaiba ng “taong hindi sumuko” at “taong hindi sumusuko” ay makikita ang panawagan ng pelikula laban sa pagsi-simplify ng kaisipang makakaliwa.

3. Mga telebisyon. Malaki ang papel ng media sa paghubog ng mga desisyong politikal. Nariyan halimbawa ang historikal na proklamasyon ng Martial Law ni Ferdinand Marcos na napanood sa telebisyon, gayundin ang paghingi ng sorry ni Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang pandaraya sa eleksyon. Sa Orapronobis, TV ang mata at tainga ng mga pangyayari; ito ang kanlungan ng panawagan sa mga nawawalang kapamilya; at ito ang lunduyan ng samu’t saring diskusyon. Sa paggamit ng mga imaheng ito, kagyat ang pakiramdam ng mga pangyayaring nangangailangan ng aksyon, ng agarang paglaban at pagsupil, ng makatwirang ingay.

4. Mga madre. Sino maysabing walang politika ang relihiyon? Ang bukas-loob na pagtulong ng mga madre, suot ang kanilang sutana sa gitna ng kalsada, ay isang desisyong moral at politikal, kakabit man nito ang bintang ng pagiging komunista. Hindi sila bingi, bulag, at ipokrito sa nangyayari. Sa galit ni Kumander Kontra sa mga madre ay gumawa siya ng sariling rali at hinikayat ang Obispo: ‘Lipulin natin ang mga anti-Kristo! Isunod na natin ang mga pari at madre!” sabay hiyaw ng “Mabuhay ang demokrasya!” At wala pa iyan sa dala nilang plakard na nagsasabing: MGA PARI AT MADRE LITSUNIN. Matatandaang naging imortal ang imahen ng mga madre sa pakikisangkot dahil sa iconic na pagganap ni Vilma Santos bilang Sister Stella L. sa pelikula ni Mike de Leon.

5. LRT. Ang LRT bilang isa sa mga buhay na alaala ni Marcos, tumatakbo’t napakikinabangan hanggang sa ngayon.

6. MAKAPILI. Hindi mamamatay ang mga Makapili hangga’t may bayong na mapipili.

7. Ang Santa Filomena. Walang awit na mas naglarawan ng kalupitan ng militar at kaapihan ng pobreng taga-nayon kundi ang “Wala Nang Tao sa Santa Filomena” ni Joey Ayala. Hindi man nito banggitin nang lantaran ang karahasan ay puno ito ng makahulugang pag-alala sa isang bayang tinakasan ng buhay at katiwasayan. Sa paggamit ni Joey ng lumilipad na layang-layangan, nagmamasid at nagninilay-nilay, bigkas nito ang lungkot ng bayang naiwan: pagka’t wala nang tao sa Santa Filomena / walang aani sa alay ng lupa / nakayuko ang palay, tila bang nalulumbay / tila bang naghihintay ng karit at ng kamay at ang paglaban sa kabila ng pagtangis: nasaan ka at bakit ka nagtatago taumbayan? / panahon na, panahon nang balikan ang iniwan! Itong-ito ang Santa Filomena ng Orapronobis.

8. Larawan ni Rambo at Marcos. Nasa kubo ni Kumander Kontra ang mga larawang ito, kaharap niya habang kumakain. Sa altar niya naman ng mga santo at krusipiho ay makikita ang isang malaking watawat ng Estados Unidos. Nang barilin ni Esper si Kontra ay kasama niya ring binaril ang mukha ni Marcos. Si Rambo, walang galos.

9. Si Koronel, si Kontra, at si Palparan (ay, nasira ang wordplay). Habang hinihila ang mga bangkay nina Esper, anak na si Camilo, at mga taga-Santa Filomena, at inililipat sa trak, tinanong ng reporter ang Koronel hinggil sa nangyari. Sabi nito, “Ang mga tao pong iyan ay mga rebeldeng napatay sa isang engkwentro. Sa kasamaang palad po may mga siyam na napatay at isang vigilante.”

Tanong ng reporter, “Amin pong napansin na mayroong isang babae at isang batang lalaki. Pati po ba ito (ay) nakalaban ninyo?” Sagot ng Koronel, “Dapat po siguro ay itanong natin yan sa mga rebelde. . . bakit nila inaarmasan ang mga babae at bata.”

Dagdag pa niya, “Gusto ko pong manawagan sa ating mga kabababayan. Baka sabihin na naman e kami ang pagbintangan sa mga pangyayaring hindi naman dapat. Kami po ay nagpapaliwanag na ginawa namin ang mga bagay na ito para rin sa ating mga mamamayan. Para magkaroon ng katahimikan dito sa ating bayan. We’re here to protect all.”

Engkwentro? Katahimikan? We’re here to protect all?

Si Koronel ang mukha ni Palparan na lumalabas sa midya. At ang mukhang hindi niya hinaharap? Si Kontra.

10. Ang bangkay ni Camilo. Taglay ng eksenang ito ang husay ni Brocka na umukit ng emosyon at iparamdam ito sa manonood. Ang mabagal na lakad ni Jimmy ay maihahalintulad sa lakad ni Junior sa pagtatapos ng Tinimbang Ka Ngunit Kulang, bagamat mas matiim ang pighati ng lakad na ito, puno ng galit at poot, ng kalungkutan at kabiguan. Kalong ang anak sa kanyang bisig, hindi mawari kung simbahan ang pinuntahan ni Jimmy upang maupo. Kung simbahan man, marahil, minabuti ni Brocka na hindi ito mahalatang simbahan (walang krus, pulpito, o santo na makikita). Maririnig lamang ang klik ng mga kamera at pakiusap ng mga madre. Sa gitna ng katahimikan, madarama ang kanyang impit na mga hikbi.

►► THIRD CINEMA, CAFGUS, BAGONG AQUINO

Sa isang lathalang lumabas sa Midweek, nabanggit ni Brocka ang pinagmulan ng Orapronobis. Bilang bahagi ng 1986 Constitutional Commission na siyang bumuo ng Saligang Batas ng 1987, nagawi siya sa Misamis Oriental kasama si Pete Lacaba at nakita sa isang bayan ang nakabilad na bangkay ng mga lalaki, babae, at batang napatay sa isang masaker. Doon siya nagsimulang magtanong-tanong hinggil sa mga kulto sa kanayunan. Hangad niya noong una na gawin itong mainstream na pelikula, isang action movie na pagbibidahan ni Philip Salvador, ngunit nang tumawag ang isang prodyuser mula France na nag-anyaya sa kanyang gumawa ng isang tipikal na pelikulang Lino Brocka upang ipalabas sa Cannes Film Festival, hindi na siya nag-atubiling gawin ang materyal na laging laman ng balita sa peryodiko at radyo noong mga panahong iyon. Sa pagpayag ni Lacaba na isulat ang pelikula ukol sa mga nakaririmarim na pagpatay sa ilalim ng faux liberal na gobyerno ni Aquino, ika nga ni Brocka, “Nariyan na ang kuwento. Nasa headlines. Nangyayari.” Ang kailangan na lang ay mga angkop na taong magsasalaysay nito.

Sa isang aktibistang tulad ni Brocka, mahalaga ang pagpili ng panig. Lantaran niyang binatikos ang diktaduryang Marcos, lumahok sa mga rally, at nagsalita sa mga pagtitipon. Bagamat mga family drama ang madalas niyang gawin, progresibo ang tema ng mga pelikulang nagpakilala sa kanya sa ibang bansa. Gaya ng popularidad ng Cinema Novo noong 50s at 60s, Third Cinema ang mainit ng mga panahong iyon, at malakas ang pagkatig ng Kanluran sa tema ng kahirapan at pang-aabuso partikular na sa mga bansang tulad ng Filipinas. Tuwing bibiyahe si Brocka sa ibang bansa ay hindi niya nakakalimutan ang kanyang politika. Maaalala ang pagsuot niya ng barong na may kulay-dugong mapa ng Filipinas nang dumalo siya sa Cannes para sa Bayan Ko: Kapit sa Patalim. Hindi tulad ng nauusong kultura, kakabit ng buhay at hindi nagbabago ang layunin ng aktibismo. Isa itong pangangailangan na napanindigan ni Brocka kahit wala na ang Martial Law.

Nagbitiw siya sa ConCom dahil aniya, repressive ang bagong charter na ito at hindi maka-Filipino. Ikinagalit niya ang patuloy na pagkakaroon ng base-militar ng mga Amerikano sa bansa, gayundin ang dumaraming bilang ng mga extrajudicial killings dulot ng mga para-military vigilantes na gumagalaw sa kanayunan. Para sa kanya hindi natapos sa People Power ang pakikibaka. Hindi mapayapang rebolusyon ang ganap na makapagpapalaya sa Filipino. Hindi bagong lider ang sagot kundi bagong pamamahala. Karamihan sa mga ito ay hindi natugunan ni Aquino. Nagpatuloy ang pagpatay sa mga hinihinalang komunista at kumalat ang takot sa kabila ng “bagong demokrasya” na diumano’y tinamasa. Nilaman ng Orapronobis ang napakalaking pagkakasala na ito ng administrasyong Aquino—ang pagkayamot at pagkagalit sa ilusyong dala ng EDSA, sa ilusyong dala ni Ninoy at Cory, at sa ilusyong dala ng pagbabago.

Sa rebyu ni Vincent Canby ng New York Times sa Orapronobis na inilimbag noong Oktubre 13, 1989, nabanggit niya na higit na nakababahala ang program notes na kasama sa pagpapalabas ng pelikula. Mga kaso itong naitala ng Amnesty International na naglalaman ng mga kuwento ng pagtortyur at pagpatay ng mga miyembro ng Civilian Home Defence Forces (CHDF). Binubuo ito ng mga karaniwang mamamayang umaaktong militar na pumapatay nang walang paglilitis, minsa’y bahagi ng mga kultong naniniwala sa supernatural na kapangyarihan. Isa sa mga kilalang lider nito noong panahon ni Marcos ay si Norberto Manero. Pinalitan ang CHDF ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa bisa na rin ng Executive Order 264 na nilagdaan ni Aquino upang magkaroon ng maayos na estratehiya upang mapuksa ang mga NPA sa kanayunan. Sa marubdob na pagnanais ng AFP na masupil ang mga ito, hindi kataka-takang mas tumaas ang bilang ng mga paglabag sa karapatang-pantao dahil sa mga CAFGUs.

Dito pumapasok ang papel ni Brocka hindi lamang isang Filipino filmmaker kundi bilang tagapagtaguyod ng Third Cinema. Inilarawan ng manunulat na si David Bordwell ang Third Cinema bilang instrumento ng pagpapahayag ng personal na saloobin, ngunit inilulugar din nito ang direktor bilang bahagi ng mas malawak na kolektibo. Inilalapit nito ang sining ng pelikula sa masa sa pamamagitan ng pagpapakita ng kagyat na katotohanan ng kanilang kalagayan at ang pangangailangan ng agresibong tugon. Sa ganitong layunin, higit na mahalaga ang mapanood kaysa kumita.

Ito ang nagawa ni Brocka sa pamamagitan ng Orapronobis. Makahulugan hanggang sa ngayon ang galit ng pelikula, at patuloy na umuugong ang paghingi ng pagbabago at kahalagahan ng pakikisangkot. Tradisyonal na festival film ang modelo nito, may pondong dayuhan, may manggagawang lokal, may sentimyentong napapanahon, pulido ang pagkakagawa, at walang komersyong inaalala. Tradisyonal din itong Third Cinema na ipinagbabawal maipalabas sa publiko hanggang sa ngayon, sapagkat may banta sa tuwing papanoorin ito.

Mula sa parehong lathala ng Midweek, nabanggit na naging madali para kay Brocka ang paggawa ng Orapronobis. Sinimulan niya ang paglagari sa pelikula noong Enero 1988 at natapos ito sa loob lamang ng 22 araw. Wala siyang itinago sa kanyang mga artista at kasama hinggil sa nilalaman ng pelikula. Doon pa nga raw sa eksena na nagrali si Kumander Kontra dala ang mga bandera ng “Down with Communism!” at “Communism is Satanism!” ay tinulungan pa sila ng mga militar na magkontrol ng tao sa paligid.

Sa sitwasyon ng bansa ngayon, umuugong pa rin ang sigaw ng pelikulang ito. Tulad na lamang ng all-out-war ni Arroyo laban sa Kaliwa, ng Morong 43, ng Maguindanao Massacre (na unang ibinintang sa MILF), ng Hacienda Luisita, ng pagkawala ni Jonas Burgos, Karen Empeño, Sherlyn Cadapan, at napakarami pang iba. Mga pangalang hindi mabibigyang-katarungan ng espasyong ito sa pamamagitan lamang ng pagbanggit sa kanila.

Patay na si Brocka at nagdaan na ang katakot-takot na bilang ng karahasan, kamatayan, at kawalanghiyaan, ngunit narito pa rin ang opresyon. At ngayong anak na ni Cory Aquino ang bagong pangulo, hindi ba’t isang napakalaking biro nito? Birong hindi nakakatawa o nakakatuwa, kundi birong may banta at takot, at birong nag-iiwan lamang muli ng alinlangan at pagdududa sa paggamit at pang-aabuso ng salitang demokrasya.

Sapagkat malaking sandata ito ng pagkapanalo ni Noynoy Aquino: ang pagkikintal sa mamamayang Filipino na si Ninoy at Cory ang ama’t ina ng demokrasya. Ngunit sila nga ba? Demokrasya rin bang maituturing ang kawalan ng responsabilidad sa naganap na Masaker sa Mendiola at Hacienda Luisita? Demokrasya nga ba ito na tinatamasa ng sambayanan o demokrasya ito ng mga nasa kapangyarihan? Ng mga mayayamang maylupa? Hindi malayong ganito ang sasabihin ng mga Aquino: “Ah, yung pagkamatay ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita? Baka isolated case lang yun. . .”

Orapronobis ang patunay ng katotohanang umiigpaw sa estetikong layunin ng sining. Binabasag nito ang kasinungalingan ng sistema, pinupukol ang dapat tamaan, ginagamit ang pelikula upang makapaghayag ng pagbabago. Dala nito ang katotohanang magpasahanggang-ngayon ay agrabyado ang maraming Filipino, politikal man, moral, at sosyal. Patuloy pa rin ang kolonyal na interes ng mga Amerikano sa bansa, hindi man sa pamamagitan ng mga base militar at pagsasanay ng mga dayuhang sundalo kundi sa impluwensya nito sa uupong bagong pangulo at sa kanyang mga desisyon. Katotohanan ang lahat ng ito, at kung mapagpalaya man ang katotohanan, hindi ito ang katotohanang pinaniniwalaan ni Brockang magpapalaya sa mga Filipino.

►► MAIKLING PANANALITA MULA SA PRODUCTION ASSISTANT NG ORAPRONOBIS

Nag-aaral pa ako nu’n sa UP nang ayain ako ng kaibigan kong sumama sa isang shoot ng pelikula. Anya, si Lino Brocka ang direktor, magandang experience. E hindi ko naman kilala si Brocka nu’n! Wala pa akong napapanood na pelikula niya. Hindi mahilig ang pamilya ko sa sine, mas mabasa kami, makanta. . . Pero sumama na rin ako, for experience. Nagpaalam ako sa magulang ko na kailangan ko lang pumunta ng probinsya para sa isang field study.

Tas ayun, kamukat-mukat ko na lang, kasama ko na sa set si Phillip Salvador, Gina Alajar at Dina Bonnevie. Medyo natakot ako ke Bembol Roco, ang galing niya e. Ang smooth ng shooting, wala masyadong aberya. Puwera na lang kung wala nang araw at kailangan nang ipagpabukas. Minsan nagpapaunlak din si Direk na magsalita o dumalo ng rally, pero sinasabihan din naman kami ka’gad, o dili kaya pinapasama rin kami. Aktibista e, talagang may pinaglalaban. May mga sundalong dumadaan minsan sa shoot, pero tuloy lang kami. Syempre, yung materyal ng Orapronobis, kung malalaman lang nila, shit, inciting to rebellion na yun!

Mga dalawang linggo lang ako. Pauwi-uwi ng bahay, pabalik-balik ng shoot. Hindi namin naramdaman na huling araw na pala. Parang tuluy-tuloy lang e. At saka tulad niyan, alam naman naming hindi maipapalabas sa sinehan kaya ano talaga, experience lang ang habol. Nung natanggap yung pelikula sa international filmfest, natuwa kami. Karangalan yun siyempre, nakita ng mga taga-ibang bansa ang totoong kalagayan natin na madalas hindi pinapakita sa balita. Pero hindi ininda ng gobyerno. Sampal sa kanila yun e. Sabi pa nga ni Manoling Morato, hindi naman daw karangalan ang mapili sa Cannes! Kami, bakla ka, ano ba!

Salamat pala sa pagbigay ng kopya ng pelikula. Matagal ko na ‘tong hindi napapanood e. Mga ten years na. Huli kong nood, alam mo kung saan? Sa isang kampo ng nagha-hunger strike. May TV at player sila. Kaibigan ko yung nagdala ng kopya. Biro nga namin, walang pangkain pero may panood ng sine! Sosyal. Ha ha.

►► MGA GABAY NA TANONG

1. Sabi bago magsimula ang pelikula: “Fight for Us” by Lino Brocka was filmed clandestinely in the Philippines without any assistance from the government. Ano ang implikasyon ng paalalang ito ng pelikula? Gaano kahalaga ang mga salitang ito sa kabuuan ng Orapronobis?

2. Bahagi si Jimmy ng mga “political prisoner” na pinalaya nang naupo ang bagong pangulo. Ano sa palagay mo ang mga inasahan niyang pagbabago matapos siyang makalaya? Isa-isahin ang mga ito.

3. Maraming mga elemento ng relihiyon sa pelikula. Nariyan ang pagpatay sa pari sa simula, ang mga madreng tumutulong sa mga taga-Santa Filomena, ang kulto ng mga vigilante, ang protesta ni Kumander Kontra sa Obispo. Anong kahulugan nito? Imposible ba talagang mapaghiwalay ang Simbahan at ang Estado? Pakipaliwanag ang sagot gamit ang isang matatag na halimbawa.

4. Maraming salik kung bakit nagpasya si Jimmy na bumalik sa kilusan. Ano-ano ang mga ito? Ano ang pinakanagbigay sa kanya ng dahilan upang patayin ang kanyang ilusyong reformista? Sa iyong opinyon, tama ba ang kanyang naging pasya? Patunayan.

5. Ano ang kahalagahan ng pamagat ng pelikula? Ano at sino ang dapat ipaglaban?

►► KARAGDAGANG BABASAHIN

Panayam kay Jose Maria Sison hinggil sa papasok na rehimeng Aquino mula sa Pinoy Weekly

Walang Ilusyon sa Eleksyon at Walang Manggagawa sa Midya ni Teo S. Marasigan

Clench your fist! Be a communist! ni Kenneth Guda

Mga malamang kuru-kuro ni Diwa Dimagiba

Comments»

1. kapirasongkritika - June 9, 2010

Salamat sa link at sa paglalagay sa blogroll! Ilalagay rin kita. Matagal ko nang nakikita ang blog mo at bilib ako sa pagsisikap mo rito. Mabuhay ka, Richard Bolisay!

2. drlightbearer - June 11, 2010

ang talas sir. :D

Salamat pala sa links ng mga karagdagang babasahin.As expected, pareho kami ng Point ni Ka Joma. :D

I’ve watched Orapronobis maybe a year ago.. It is something. Matapang ang pagkakalahad. Siguro ang pinakahuling pelikulang napanood ko na may kaparehong stand at tapang ay yung Haw-Ang ni Bong Ramos. Medyo nagkukulang na nga ng mga ganitong obra sa mga pelikula natin ngayon.

3. Richard Bolisay - June 11, 2010

Uy Ginoong Marasigan, maraming salamat! Masugid mo akong mambabasa. :)

Epoy, salamat. May kopya ka ng Haw-ang? Di ko pa napapanood e.

4. drlightbearer - June 11, 2010

@sir chard, wala rin po eh. Napanood ko lang yun sa special screening 3 years ago sa PUP. Debut work po ni Bong Ramos (Butas, Pipo). Lahat po ng gawa niya after nun may dvd, Haw-Ang lang talaga ang wala.

5. critic after jizz - June 12, 2010

salamat sa iyong napakasalimuot na pag aanalisa sa isang napaka importanteng pelikulang pilipino; sana ay maulit pa ang iyong paggawa ng sanaysay sa wikang tagalog.

6. Sine Sigwa « Kapirasong Kritika - August 11, 2010

[…] may mga butil ng katotohanan sa sanaysay ni Flores, hindi niya isinama sa pagsuri ang bantog na Orapronobis ni Brocka. Dito, ang pangunahing karakter na si Jimmy Cordero ay ipinakitang naitulak na humawak […]

7. melo - August 17, 2010

Sir,sa tingin nyo,bakit hindi isinama sa video copy ang scene na kinakain ni Kontra ang utak ng pari? Isa ito sa mga images na na-stick sa mind ko nung una kong napanood ito sa CCP mga 15 years ago. Buti na lang kahit hindi nila ito ni-release sa original video, malinaw ang kopya nito at ang mga iba pang Pilipino movie classics sa Quiapo (pirated nga lang) tulad ng Boatman,Itim,Brutal at marami pang iba.

8. diwa81 - January 20, 2011

alam ko, “medyo” nahuli na, ngayon ko lang kasi nalaman na nilink mo pala ako dito, pero maraming salamat pa rin.

9. Richard Bolisay - January 23, 2011

Walang anuman, Diwa. Kumusta?


Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: